Lunes, Enero 2, 2012

Talaarawan

Sa isang munting kahon,
na niluma na ng panahon.
Isang talaarawan,
ang aking natagpuan

Sa pagbabasa sa lumang aklat,
muling nagbalik sa ulirat.
Mga araw ng ng ligaya't saya,
panahon ng lungkot at pagluha.



Bawat salita, bawat intindihan.
sa pagitan namin ng talaarawan.
di pwedeng ipakita, o ipahiram.
kaming dal'wa lang, ang nakakaalam.

Ngunit tulad ng mga dahong nalalagas,
at wangis ng mga kulay na kumukupas.
Ang mga bulaklak ay nalalanta,
nauubos din ang mga pahina.

Sa pagbabago ng panahon,
pagpapalit ng damdamin.
Bagong talaarawan,
aking sisimulan.

Isang bukas na aklat,
ipagmamalaki sa lahat.
mga bagong pahina,
ng ligaya at saya.

Ang lumang talaarawan,
ng saya't kalungkutan.
Ibabalik sa dating lalagyan,
at di na muling babalikan.

Pag-ibig sa Tag-ulan


Umuulan na naman,
bumubuhos, rumaragasa.
tulad ng mga damdaming
sa puso'y nagmumula.

Siguradong babaha na naman.
Tulad noon,
Nang ako'y magtampisaw,
sa baha ng iyong pagmamahal.

Magpatangay sa anod,
ng tila walang hanggang saya.
at magpakalunod,
sa lawang nilikha ng 'yong pagsinta.

Ngunit panaho'y nagbabago.
Ang ula'y naubusan ng pagtulo,
wala ng ipapatak.
Gaya ng pag-ibig mong biglang naglaho.

Sumikat ang araw,
Nagsimulang lumiwanag.
Ngunit aking mga luha’y,
nagsimulang pumatak.

Ang dating pagmamahal,
Na tila ulang bumubuhos.
Ngayo’y naging luhang,
Hindi matapos-tapos.

Umaaraw na.
Gaya ng isang bagong simula
Subalit ang pag-ibig at sakit,
Ay nananatili sa gunita.

 Sa pag-tila ng ulan.
At pag-hupa ng baha.
Sana'y tumigil na rin,
pagpatak ng aking mga luha.